pokemaniac07's Blog

Oct 11, 2009 3:37 AM
if nahahabaan kayo start nalang kayo sa KURUKYA

Maliko ako ng paksa.

Noon ko pa naririnig ang F1. Pero ‘di ko ito pinapansin. Nakikita ko ito sa TV pero hindi ako interesadong panoorin. Lumaki akong sa jeep at bus sumasakay. Bihira akong masakay ng kotse. Wala ang hilig ko sa mga sasakyan. Kaya marahil ‘di ganoon katimbang na marehistro sa interes ko ang F1. Mas madalas akong nakaharap sa computer kaya mas pamilyar ako sa F1 ng keyboard kaysa F1 race haha…

Sa ngayon, biglang bumaligtad ang aking pagtingin sa F1.

Dito sa Singapore, kung saan ako nakabase, ginanap ang Grand Prix ng F1, o Formula One race. Malimit na paksa ang F1 sa kwentuhan ng magkakaibigan o magkakakilala, sa opisina, sa bahay, sa mga kainan o gimikan. Sa TV, prints, internet, MRT, shopping malls, billboards, signages, diverted traffic, closed roads, kahit saan ka malingon, F1 at F1 pa rin. Pati mga kaibigan ko sa Pinas, hindi ito nawawalang mabanggit sa kumustahan.

Ano ba yan?! Puro F1! F1 at F1 na lang! Eh ano nga ba ang F1 na yan?!

Isang Biyernes ng gabi, kasama ko mga kaibigan sa Clarke Quay at nag-diner. Habang kumakain kami sa tabi ng ilog sa Clarke Quay at masayang nagkukwentuhan, bigla kaming nakarinig ng ugong ng makina na parang sa jet o eroplano. Mapapagwari ng makakarinig na nanggagaling ang ugong sa malayo, subalit malinaw at malakas ito. Sunud-sunod ang ugong. Ilang saglit, nawawala ang mga ugong. Saka babalik na naman. Sunud-sunod uli. Zooonnnggg… zooonnnggg… zooonnnggg…

Iisa lang ang ibig sabihin ng mga ugong na ito. Lahat kami ay sang-yon. Nagsisimula na ang F1 race! Ang mga ugong ay nanggaling sa makina ng mga sasakyang paikut-ikot sa race track ng F1. Ito ang gabi ng pag-eensayo bago ang dalawang gabi ng totoong karera.

Ganun nga ba kalakas ang ugong ng mga sasakyan ng F1? Tiyak na mahuhuli ang atensyon at mapapagdalawang-isip ang makakarinig sa malayo.

Halos isang kilometro ang layo ng Clarke Quay mula sa parte ng race track ng F1, sa pinaka-sentro ng kabihasnan – ang lugar ng City Hall at Esplanade Theatre. Sa layong ito, narinig pa rin namin ang ugong mula sa F1 nang kumakain kami.

Matapos ang aming diner bandang alas diyes, nagpasya ang grupo na sumilip sa F1 race. Tutal, malapit lang naman ang race track at maaring lakarin galing Clarke Quay. Wala man kaming tiket para makapasok sa spectators’ area, baka kahit sa malayo ay makasulyap man lang ng aksyong nagaganap.

Humigit-kumulang 15 minuto ang lakaran patungong F1 race track mula Clarke Quay. Habang papalapit nang papalapit kami, kakaiba ang pakiramdam. Dahil sa papalakas nang papalakas na mga ugong, lalo ring tumitingkad at tumitindi ang pagkasabik para makalapit.

Dumating kami sa isang pwesto kung saan katiting o halos wala nang masulyapan sa mga F1 automobile na nagkakarera. Maliit at makitid lang ang espasyo. Maski na tumingkayad, e wala pa ring view. Doble ang bakod. Gayunpaman, nagsisiksikan ang maraming nakikiosyoso rin upang makasilip man lang. Nakisiksik na rin kami.

May kadikit na gusaling pampubliko sa lugar na aming nasingitan. May maliit na hagdan ito, may bakod na bakal at konkretong pedestal, at ‘di gaanong kataasang niches. Kung makapanhik sa hagdan, sa pedestal, o niche, maganda ang view. May ilang gumawa nito, kasama mga kaibigan ko, kahit na may mga pulis na nagbabantay sa loob ng karerahan. Pinagsabihan man ng pulis at bantay ang mga nanood na bumaba, e mga pasaway din ang mga ito. Ayaw magbabaan. Hindi lang mga lokal (o Singaporeans) ang kabilang dito, kundi kasama na rin kaming mga Pinoy, at mga puti rin noh.

Ang ngayong malapitang kinatatayuan namin ay naghahatid ng mas pinalakas at nakakabinging ugong ng mga F1 automobile. Sobrang tindi ng aksyon at tensyon. Seriously, kung papanoorin ang buong karera, kailangan ng earplug o muffler, dahil baka makaapekto sa pangdinig and sobrang lakas ng ugong ng mga motor.

Gaano man katindi ang nakakabinging mga ugong, tinitiis ito ng mga nanood. Mas masarap damhin ang dulot nitong kakaibang enerhiya. May dala itong grandeur na bumabalot sa buong katawan ng nakakarinig. Sa sobrang tulin ng mga F1 automobile, para ka na ring naisasakay at naihahatid nito sa kakaibang mundo… sa ibang dimensyon…

Nakaka-“WOW” talaga! Walang exaggeration o overstatement!

Hindi nakakapagtaka kung bakit ang karamihan, ang iba’t-ibang kilalang industriya, ang buong bansa, ang buong mundo, ay nahuhumaling sa tuwing sasapit ang F1 season.
Marahil kung may pagkakataon sa susunod na taon at makakabili ng tiket, isa na rin ako sa mga mahuhumaling… sa F1.

KURUKYA


Mukha kang higanteng kuto
Taglay ay kahanga-hangang talino;
Sa paghuli ng ibang insekto
Hatid ng patibong mo ay delubyo.

Nakakaaliw mong paggalaw
Puro atras ang iyong hataw;
Panglibang sa batang galawgaw
Sa tuwing sasapit ang tag-araw.




Hindi lahat ng nakakakwentuhan ko tungkol sa larong Pinoy, o mga kaibigan na nagmula probinsya, ay alam kung ano ang “kurukya.” Kurukya ang tawag sa insektong ito sa aming probinsya. Sa ibang lugar sa Pinas, ang tawag dito ay “kurukutok,” “baboy-baboy,” o “kobung-kobung.”
Mukhang dambuhalang kuto na mabalahibo ang kurukya. Sa maaarte eh yuckie ang itsura nito. May dalawa itong malalaking pangil na pangsagpang tulad sa langgam. Ang nakakaaliw sa insektong ito, paatras ito kung gumapang haha. Entertaining para sa mga bata!

Lumilitaw ang kurukya tuwing tag-araw sa tuyo at mabuhanging lugar sa mga bakuran. Nakabaon ito sa lungga sa buhangin. Langgam ang pangkaraniwang kinakain nito. Aba, bibilib ka sa ismarteng taktika nito kung paano manghuli ng langgam. Mula sa tuyong buhangin, gumagawa ito ng patibong o hukay habang ibinabaon ang sarili sa buhangin o lungga. (Panoorin ang video.) Ang hukay ay parang whirlpool o hugis inverted cone. Humigit-kumulang limang sentimetro ang base diameter ng inverted cone at dalawa’t kalahating sentimetro naman ang lalim ng hukay. Kapag napadaan at nahulog ang langgam sa hukay, mahihirap itong umahon dahil nadudulas ito sa paggalaw at pag-ahon sa buhangin. Kaya huli kang langgam ka!

Sa Ingles, ang tawag sa kurukya ay antlion, doodlebug, o sand dragon. Sa ibang bansa malalaki ang mga ito, humahaba hanggang isa’t kalahating sentimetro. Sa amin, karaniwan ay mula lima hanggang labing-dalawang milimetro ang laki ng nahuhuling kurukya.



Paano namin hinuhuli ang kurukya? Kadalasan, langgam din ang ginagamit na pain. Hahanap lang ng isang langgam at ihuhulog sa hukay ng kurukya. Kawawang langgam. Kapag nagkakaway ang langgam, lalabas ang kurukya para sunggaban ito. Saka ngayon dadaklutin ng kamay ang buhangin, kasama ang kurukya at langgam. Ayun, huli kang kurukya ka!

Madalas kung mahuli ang kurukya at inilagay sa palad, nakataob ito at hindi gumagalaw. Loko ‘to! Nagpapatay-patayan. Isa naman itong taktika upang maiwasan ang nagbabalak na insektong nais umatake o kumain sa kanila. Kapag nasa palad na ang kurukya at hindi gumalaw ang may hawak dito ng ilang segundo, saka ito dadapa at gagapang paatras. Wais talaga hah!

May isa pang paraan sa panghuhuli ng kurukya. Sa halip na langgam ang pain, buhok ang ginagamit. Nooo!!! Hindi kinakain ng kurukya ang buhok tulad ng iniisip n’yo. Kailangan lang ng isang hibla ng buhok – pangkiliti sa kurukya. Ang hibla ng buhok ay paiikut-ikotin sa lungga ng kurukya na parang kikilitiin mo sya. Siguro kapag hindi na n’ya makayanan ang kakatawa dahil sa kiliti, ayun lalabas sa lungga. Surrender na sya.

Kidding aside. ‘Yung “pagkiliti” o pagpapaikut-ikot ng hibla ng buhok sa lungga ng kurukya ay pagsimulado sa paggalaw o pagkakaway ng nahulog na langgam dito. Ang akala ng kurukya, may langgam na nahulog sa hukay kaya ito lalabas sa lungga. Ismarteng kurukya, naisahan hehe.

Eh ano naman ang ginagawa sa nahuling kurukya? Paramihan at palakihan lang ng nahuli ang trip namin noon. Iipunin sa palad at pagmamasdan ang galaw nilang paatras. Nakakakiliti ang paggalaw nito sa palad hihihi. Minsan nagkakagatan sila. Pero ingat, masakit din itong mangagat sa balat. Kung solve na ang kurukya tripping, pinapakawalan din namin ang mga ito. Tapos laro uli ng iba naman…

Sa pagsusulat lang ng kwentong ito nang aking napag-alaman na ang kurukya ay larva pala at nagme-metamorphose sa isang insektong kahawig ng tutubi. Hmmnn… Ala pa kasing internet noon eh para madaling mag-research. Bagong kaalaman.

Subukan n’yong mag-kurukya tripping. Tiyak na inyong kagigiliwan.

O… mayroon din ba kayong makulay na karanasan sa panghuhuli at paglalaro ng kurukya?

Posted by pokemaniac07 | Oct 11, 2009 3:37 AM | 3 comments
Margixx | Oct 30, 2009 10:46 PM
about sa F1, gnun din naiisip ko noon, para sa computer lng..hehe..

"Kailangan lang ng isang hibla ng buhok – pangkiliti sa kurukya. Ang hibla ng buhok ay paiikut-ikotin sa lungga ng kurukya na parang kikilitiin mo sya. Siguro kapag hindi na n’ya makayanan ang kakatawa dahil sa kiliti, ayun lalabas sa lungga. Surrender na sya."

hahahahaha! kung hindi sna sya sumurender maniniwala na sana ako dito. lol :p

astig ung vid ah, very educational :)) hehe nice blog.
 
mei_wisdom04 | Oct 12, 2009 10:39 PM
gahahaha!ang haba!!!!hirap basahin!naku ndi ako mahilig sa kotse,eh!pero maganda yung vehicle mode ni bumblebee sa transformers!F1?diba may anime na ang title ay F?napanuod mu na ba yun?hmmm..ang fascinating ng antlion!meron pala tau nun dito?
 
chie_oink | Oct 11, 2009 6:57 PM
wow ang haba! nakakatamad basahin =_=


KURUKYA


Mukha kang higanteng kuto
Taglay ay kahanga-hangang talino;
Sa paghuli ng ibang insekto
Hatid ng patibong mo ay delubyo.

Nakakaaliw mong paggalaw
Puro atras ang iyong hataw;
Panglibang sa batang galawgaw
Sa tuwing sasapit ang tag-araw.

nice :)
 
It’s time to ditch the text file.
Keep track of your anime easily by creating your own list.
Sign Up Login